Bones Don’t Lie: Bakit Dapat Ingatan ang Iyong Buto
Updated: Aug 5

Kilalanin ang osteoporosis, ang silent disease na tunay na banta sa modernong pamumuhay.
Kung noon, ang paborito nating laro sa bakuran ay patintero at taguan, ngayon sa modernong buhay, marami sa atin ang nakaupo lang sa opisina, harap ng computer o sa kanto, hawak ang cellphone habang nagmi-milk tea. Habang abala tayo sa hustle, ang ating mga buto na silent heroes sa bawat galaw ay unti-unting nanghihina. Welcome to the world of Osteoporosis na kilala bilang silent disease.
Ano ba ang Osteoporosis?
Ang osteoporosis ay kondisyon kung saan ang buto ay nagiging manipis at marupok, kaya’t mas madaling mabali kahit sa simpleng pag-ikot o pagtahak sa hagdan. Ang ating mga buto ay parang sponge. Ang mga ito ay may maliliit na butas na nagbibigay ng lakas at flexibility. Kapag bumababa ang density nito, parang luma at payat na espongha, madaling masira.

Bakit Nangyayari Ito?
Maraming dahilan kung bakit humihina ang ating mga buto, pero madalas, nakaugat ito sa ating pamumuhay. Una, ang kakulangan sa calcium at vitamin D ay direktang nakakaapekto sa bone density. Ang calcium ang pangunahing “building block” ng buto, habang ang vitamin D ang tumutulong para masipsip ito ng ating katawan. Kapag kulang ang alinman, mas mabilis nauubos kaysa nadadagdagan ang bone mass.
Ikalawa, ang kawalan ng regular na weight-bearing at resistance exercises tulad ng paglalakad, pagtakbo, o pagbubuhat ay nagdudulot ng paghina ng buto, dahil ang buto ay parang kalamnan din: mas tumitibay kapag ginagamit. Sa kabilang banda, labis na pag-inom ng soft drinks at caffeine ay maaaring magpabilis ng calcium loss sa ihi, dagdag pa sa posibilidad na palitan ang gatas o masustansiyang inumin ng mga sugary drinks.
Hindi rin maiiwasan ang epekto ng edad. Habang tumatanda, natural na bumabagal ang bone remodeling (ang proseso ng paggawa ng bagong buto at pagkasira ng luma). Lalo na sa mga babae na post-menopause, biglang bumababa ang estrogen, isang mahalagang hormone na nagpoprotekta laban sa bone loss. Ang resulta: mas mataas ang tsansa ng osteoporosis at pagkabali ng buto kahit sa simpleng pagkadapa.

Mga Palatandaan na Hindi Dapat Balewalain
Osteoporosis ay kilala bilang silent disease—madalas walang sintomas hanggang sa may mabaling buto. Pero may ilang signs worth watching: madaling pagkapagod ng buto, pagbaba ng tangkad sa paglipas ng taon, at madalas na pagkakaroon ng fractures kahit sa simpleng pagkahulog o pagkatama.
Paano Mapangangalagaan ang mga Buto?
Good news: may paraan para maging “buto-proof.” Magdagdag ng calcium-rich foods sa diet tulad ng malunggay, pechay, sardinas na may buto, tofu, at fortified plant-based milk. Huwag kalimutan ang vitamin D, mula sa sikat ng araw o supplements kung kailangan. At siyempre, move that body: weight-bearing exercises tulad ng paglalakad, pagtakbo, o light strength training ay makakatulong palakasin ang buto.
Kailan Dapat Kumonsulta kay Dok?
Kung may paulit-ulit na fractures, oras na para magpatingin sa doktor. Pwede rin magpa-bone density scan para ma-check ang health ng iyong skeleton at mabigyan ng tamang guidance.

Bottomline: Bone Goals, Pinoy Style
Hindi kailangan maging atleta para magkaroon ng strong bones. Kahit sa simpleng paglakad sa palengke o pag-akyat ng hagdan, at tamang diet, puwede mong protektahan ang iyong skeleton. Sa dulo, masarap ang buhay kung matibay ang iyong buto. So go ahead mga beshies, dance the party, magfun-run sa parke, at i-enjoy ang life nang walang pangamba na mababali ang mga buto!
References
Department of Science and Technology – Food and Nutrition Research Institute. (2018). Osteoporosis: The "silent epidemic". Retrieved from https://www.fnri.dost.gov.ph/images/sources/PolicyStatement/PS5.pdf
Mendoza, E. S., & Li-Yu, J. (2016). Osteoporosis and prevalent fractures among adult Filipino men and women. Philippine Journal of Internal Medicine, 54(1), 1-8. Retrieved from https://pmc.ncbi.nlm.nih.gov/articles/PMC5053056/
Reyes, M. V. T., & Li-Yu, J. (2012). Summary of the consensus statements on osteoporosis. Journal of the ASEAN Federation of Endocrine Societies, 27(1), 1-6. Retrieved from https://www.asean-endocrinejournal.org/index.php/JAFES/article/view/30/441









Comments